Abstract
Sa halos dalawang taong pananalasa ng COVID-19 sa buong daigdig, marami nang nabago sa kapaligiran at mobilidad ng mga tao sa bawat lipunan. Kinasapitan at pumalaot ang lahat sa tinurang Bagong Kadawyan (New Normal) (hiram mula kay Reyes 2020) —isang transisyong pantao na lubhang nagpabago sa mga kinasanayang gawi. Nariyan ang pagbabago sa edukasyon, paghahanapbuhay, libangan, at mga transportasyon. Sa kaso ng mga manlalakbay, salot ang idinulot ng pandemya sapagkat pinaralisa nito ang daloy ng turismo at libangang pandaigdig. Kanselado ang lahat ng paglalakbay, limitado ang serbisyo ng mga pandaigdigang paliparan, at nagsasarahan ang mga prontera ng bawat bansa. Sa kaso ko bilang isang manlalakbay, naputol din pansamantala ang layuning pagaralan at turulin ang kahalagahan ng Asya sa Pilipinas at ang lugar ng Pilipinas sa Asya.
Sa aking mga naging paglalakbay bilang Manila Boy (lalaking nakatira sa Kalakhang Maynila) sa sampung bansa sa Timog Silangang Asya (2014—2018), marami akong gunita at alaalang maibabahagi sa katuturan ng mga Pilipino—panahong malaya at mayabong pa ang paroo’t paritong paggalaw ng mga tao. Mula ito sa aking mga karanasan at obserbasyon bilang manlalakbay kung bakit nakumpuni ang ganitong uri ng sanaysay at naratibong ulat. Mahalaga ang pagbabahaginang karanasan. Ayon sa kamamayapa pa lamang na teologo na si Jose de Mesa (2003), ang karanasan ng isang tao ay isang subhetibong pagpapakahulugan, interpretasyon, o pagtingin nito sa obhetibong realidad sa pamamagitan ng kanyang mga pandama (de Mesa 2003). Kaya’t sa pag-aaral na ito, aking maibabahagi ang ilang mga piling gunita ng aking paglalakbay na mayroong talab sa kasalukuyang dinaranas sa panahon ng pandemya.